"lub dub lub dub"
Pareparehas naman ng tunog. Kung may pagkakataon mang pakinggan ng sabay sabay malalaman mong hindi man kayang sumabay, sa ilalim ng lahat ng sapot na nakabalot, pareparehas lang naman ng sinisigaw. Pareparehas lang naman ng gusto.
Pareparehas na komplikado.
Si Tonyo, kinse anyos. Ginagawa naman niya lahat ng dapat niyang gawin. Nag-aaral mabuti, natulong sa bahay, at may ilang kaibigan. Tipikal. Tinanong ko kung anong gusto niya. Gusto daw niya bumuo ng maayos na pamilya. Makahanap ng babaeng makakasama niya.
Lahat naman siguro tayo may isang punto sa mahabang listahan ng mga gusto, isang taong makakasama sa buhay. Yung pwede natin pagalayan ng lahat ng meron tayo, yung pwede mong sandalan pag walang pader na kayang sumalo ng bigat, o sa mga panahong hindi na kaya ng kama ibigay yung sapat na pahinga.
Ang nakakatawa, madalas siya magisa.
Paano naman ibibigay ng mundo yung hinihiling mo kung mananatili kang sarado?
Hindi pa daw siya handa. Gusto daw muna niyang makatapos, maibigay lahat ng pangangailangan ng pamilya niya, maabot yung mga pangarap niya, yung wala ng masasabi yung mga tao sakanya bago niya tuluyang abutin kung ano talaga yung gusto niya. Umaasa na habang ginagawa niya ang lahat ng 'to may kung sinong naghahanda din para sakanya. Tapos bahala nadaw si Haring Tadhana sakanila.
Ang ganda ng plano. Masarap din naman talagang iasa sa tadhana yung bagay na talagang gusto mo. Kaya lang bakit pakiramdam ko andaming naaksaya dito.
Bakit pakiramdam ko hinahabol natin lahat ng bagay maliban sa isang bagay na gusto talaga natin.
Madalas kung ano pa yung gusto yun pa yung sinasantabi.
Madalas kung ano pa yung mahalaga yun pa yung hindi mapanghawakan.
Madalas kung sino pa yung kayang manatili siya pa 'tong iniiwan.
Madalas kung sino pa yung mga taong kaya tayong tanggapin sila pa yung tinatakbuhan natin.
Nakakatakot naman din talagang gumalaw ang tadhana. Madalas masakit pag nagbibigay siya. At dahil nga sobrang sakit, binababa nalang natin. Hinahayaan nalang natin.
Masakit pag hinawakan
Mabigat pakinggan
Mahirap tanggapin
Pareparehas lang naman, "lub dub lub dub",
Pero hindi magkaintindihan.